Pamilya minasaker ng mga kamag-anak awayan sa lupa

LEGAZPI CITY, ALBAY, Philippines - – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama, habang nasa malubha naman na kalagayan sa pagamutan ang ina matapos silang pagtatagain at pagbabarilin pa ng kanilang mga kamag-anak na kaalitan sa lupa, kahapon ng umaga sa Sitio Guinimbalan, Barangay Tobgon, Oas, Albay.

Nakilala ang mga nasawi na sina Fabian Rectin Sr. 60, magsasaka at anak na si Fabian Rectin Jr., 20, binata. Samantala, nasa malubha namang kalagayan ang ina na si Virginia Rectin, 59 na ginagamot ngayon sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Mabilis namang nagsitakas ang mga suspect na sinasabing pawang mga kamag-anak din ng mga biktima matapos ang isi­nagawang krimen. Nakilala ang mga ito na sina  Sadick Roaring, 30;  Sadjade Roa­ring, alyas Saddam, 25;  Beltran Rellama, alyas Karabasa, 41; at Rolex Rellama, alyas Junior, 22, at pawang mga residente ng nabangit na barangay.

Ayon kay Senior Supt. Marlo Menesses, Provincial Director ng Albay na ang pamamaslang sa pamilya ay naganap dakong alas- 7:00 ng umaga habang ang mga biktima ay nasa loob ng kanilang bahay at kumakain ng almusal.

Bigla umanong dumating ang mga suspek na armado ng itak at baril nang bigla na lamang na sumalakay sa loob ng bahay ng pamilya kung saan pinagtataga at pinagbabaril  ang mga ito.

Matapos ang ginawang pangmamasaker sa pamil­ya ng mga biktima ang mga suspek ay kaagad naman na nagsitakas papalayo sa lugar.

Nabatid na ang alitan sa lupa ang siyang motibo ng pangmamasaker sa mga biktima dahil sa matagal ng alitan ng mga ito na kung saan ang lupa na pinag-aawayan ay  ipinamana pa ng kanilang mga ninuno.

Sa kasalukuyan masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito at patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad laban sa mga suspek na nagsitakas.

Show comments