3 bulagta sa barilan ng 2 sindikato

MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang napaslang habang isa naman ang grabeng nasugatan makaraang  magbarilan ang dalawang grupo ng sindikato sa Purok 4, Barangay Bantog sa bayan ng San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang shootout bandang alas-11 ng gabi kung saan nakilala ang mga napatay na sina Liza Canino, isang alyas Bong at isang alyas Edgar.

Samantala, sugatan naman at bantay-sarado ng mga awtoridad ang kasamahan ng tatlo na si Romeo Canino ng Cavite.

Sa ulat ni P/Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Miguel  PNP, natanggap nila ang impormasyon dakong alas-6:30 ng umaga kahapon kung saan agad rumesponde ang mga tauhan ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) kung saan narekober ang bangkay ng mga tatlo na pawang tadtad ng mga tama ng bala.

Habang namimilipit naman sa iniindang sugat ang duguang survivor na si Romeo na mabilis na isinugod sa pagamutan.

Sa salaysay ni Romeo, ipina­tawag ang mga miyembro ng kanilang sindikato ng isa pang grupo para sa isang trabahong kanilang isasagawa subali’t hindi nagkasundo hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa barilan.

Sa  kasalukuyan, ayon sa pulisya ay hindi pa malinaw ang ipinatratrabaho sa grupo ng kanilang sindikato habang tinutugis ang mga suspek kabilang na si Ronnel Canino ng Pangasinan.

Patuloy ang pagpapakanta kay Romeo upang alamin kung anong grupo ng sindikato ang kanilang kinabibilangan.

Show comments