BATANGAS , Philippines - Napatay ang 50-anyos na pulis matapos itong pagbabarilin ng nakaalitang fixer sa Land Transportation Office (LTO) sa Lipa City, Batangas kahapon ng umaga
Kinilala ni P/Supt. Jacinto Malinao, hepe ng Lipa City PNP ang biktima na si SPO2 Arthur Laurel, naka-assign sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Pascual.
Tinutugis naman ng kapulisan ang suspek na si Edwin Mission na sinasabing notoryus na fixer ng LTO sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nagtungo si SPO2 Laurel sa bahay ni Mission sa Barangay Maraouy para i-follow-up ang pinaÂlakad nitong LTO registration ng kanyang truck bandang alas-8:30 umaga.
Napag-alamang nagalit si SPO2 Laurel sa suspek nang sabihin nitong hindi pa nairehistro ang truck kahit naibigay na ang pera.
Dito na sumiklab ang mainitang pagtatalo hanggang sa magpambuno ang dalawa at mabaril ni Mission si SPO2 Laurel gamit ang cal. 38 revolver.
Nakatakas naman si Mission sakay ng traysikel patungong Barangay Antipolo, Lipa City, Batangas.