BULACAN, Philippines - – Rehas na bakal ang binagsakan ng bagitong pulis na sinasabing lango sa alak matapos ireklamo ng panunutok ng baril laban sa isang sibilyan sa Barangay Matictic, bayan ng Norzagaray, Bulacan kamakalawa ng hapon. Pormal na kinasuhan ang suspek na si PO1 Freddie Claro ng San Jose Del Monte City PNP habang inaresto rin ang mga kasama nitong sina Lorlyn Delos Santos, Roche Delos Santos, Erlinda Delos Santos, at si Ronald Albor, 27, mga nakatira sa Towerville, Brgy. Minuyan Proper. Sa ulat ng pulisya, ang suspek ay inireklamo ng biktimang si Norman Santiago matapos itong tutukan ng baril habang naliligo sa kailugan ng Bulugan Kanyakan sa nasabing barangay. Nanlaban din ang suspek at kasamahan nito habang inaaresto ng kabarong si P/Chief Insp. Florencio Morales, at dalawang tauhan nito.