MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pinagsanib na operatiba ng militar at pulisya ang pinaghihinalaang bomber at kidnaper ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa isinagawang operasyon sa liblib na bahagi ng Baliwasan Seaside sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur kahapon ng umaga.
Sumasailalim na sa tactical interrogation ng mga tauhan ni Task Force Zamboanga Commander Col. Adrelino Colina ang suspek na si Nabil Tahali Idjiran alyas Abu Darren.
Bandang alas-10:35 ng umaga nang madakip si Idjiran ng pinagsamang tauhan ng Zamboanga City PNP at iba’t –ibang unit ng militar sa pangunguna ng Task Force Zamboanga sa Baliwasan Seaside.
Dinakip si Idjiran matapos mag-isyu ng warrant of arrest si Judge Gregorio Palabrica ng Panabo Regional Trial Court Branch 34 sa Davao City sa kasong murder.
Sa tala ng pulisya, si Idjiran ay isa rin sa mga expert bomber ng Abu Sayyaf kung saan nang maaresto ito ay naghahanap ng posibleng tatargetin ng pambobomba.
Sangkot din sa kidnap-for-ransom ang suspek sa 21 hostages na karamihan ay mga European sa Sipadan Beach Resort sa Malaysia noong April 23, 2000 kung saan ang mga biktima ay itinago sa Sulu.
Nasangkot din ang grupo ni Idjiran sa pagsalakay sa Pearl Farm sa Davao noong 2001 habang patuloy naman ang pagtugis ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf Ajilul group na kinabibilangan ni Idjiran.