MANILA, Philippines - Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawa sa tatlong gunmen sa pagkakapatay sa tabloid reporter na si Rubilyn Garcia sa Barangay Talaba 7, Bacoor City, Cavite noong Abril 6.
Kinilala ni Cavite PNP director P/Senior Supt. Joselito Esquivel Jr, ang mga suspek na sina Alex Leonil at Tammy “Marcial†Gatil na may cruz na tato sa leeg at kapwa tubong Samar.
Ang ikatlong suspek na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ay alyas Pogi ang nagsilbi namang lookout sa krimen.
Ang mga suspek na sasampahan ng kasong murder sa Bacoor City Prosecutor’s Office ay natukoy base sa facial composite sketches na ipinakita ng mga imbestigador sa ilang testigo sa krimen.
Bukod kay Garcia ay nasangkot din sa pamamaslang ang mga suspek laban sa magtiyuhing sina Alberto Espuerta at Romeo Teves noong Abril 13 sa Barangay Tabing–Ilog sa Brgy. Talaba II.
Magugunita na noong Abril 6 ay pinagbabaril ng dalawang suspek si Garcia sa kanyang bahay sa Brgy. Talaba VII sa Bacoor City.
Samantala, una na ring sinibak sa puwesto ang hepe ng Tanza PNP na si P/Supt. Conrado Villanueva matapos na tukuyin ni Garcia sa kaniyang ‘dying declaration.’
Sa kabila nito, bagaman nagkaroon na ng linaw ang kaso, sinabi ni Esquivel na hindi pa nila ikinokonsiderang lutas na ang kaso dahil hindi pa naaresto ang mga suspek.