MANILA, Philippines — Niyanig ng magnitude 5.9 na lindol ang Vigan Ilocos Sur ngayong Martes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naitala ng Phivolcs ang sentro ng lindol sa 70 kilometro timog-kanluran ng Vigan City ganap na 4:45 ng umaga.
May lalim na 16 kilometro ang lindol na tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang Intensity 4 sa ilang bayan ng probinsiya ng Ilocos Sur at Ilocos Norte kabilang ang Vigan, Sinait, Paoay, Cadugao, San Juan, Macsingal, Sto. Domingo, San Il de Fonso, Bantay, Cauayan, Sta Catalina, Santa at Batac.
Intensity 3 naman ang naranasan sa bayan ng Narvacan, Sta. Maria, Burgos at San Esteban.
Wala namang naiulat na nasaktan sa lindol ngunit nagbabala ang Phivolcs sa posibleng maranasang aftershocks.