2 Tsino tiklo sa P35-M droga

File Photo

MANILA, Philippines - Dalawang Tsino na sinasabing miyembro ng sindikato ng bawal na droga ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya makaraang makumpiskahan ng P35 milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug bust operation sa San Pablo City, Laguna kamakalawa ng gabi.

Sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Chen Wenyi, 44; at Zheng Lipang,  kapwa nakatira sa Binondo, Manila.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Romulo Sapitula, Laguna PNP director, bandang alas-9 ng gabi nang ilatag ang drug bust operation ng mga tauhan San Pablo City PNP,  Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force Camp Crame at ng Provincial Intelligence Branch ng Laguna PNP laban sa mga suspek sa kahabaan ng Maglalang Phase 2, New City Subdivision sa Barangay 1-B.

Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na makorner ng arresting team kung saan nasamsam ang pitong malalaking transparent plastic na naglalaman ng shabu na may street value na P35 M.

Bukod sa kilu-kilong shabu ay nasamsam din ang dalawang bundle ng P1,000 cash, itim na kotseng Honda City (VED 995).

 

Show comments