NORTH COTABATO, Philippines - – Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 18-anyos na kolehiyala na sinasabing kinalasan ng nobyo matapos itong magbigti sa bahay ng kanyang utol sa Barangay Fatima, General Santos City kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Insp. Anastacio Ramirez ang biktima na si Jean Amor Reformina, 3rd year agricultural engineering student sa Mindanao State University sa nasabing lungsod at nakatira sa Barangay Buenavida, bayan ng Makilala, North Cotabato. Ayon kay Ramirez, nagpakamatay ang biktima sa bahay ng kanyang utol na si Jennifer Dapaya sa nasabing lungsod. Bago magpakamatay ang biktima, naikuwento nito sa ilang kaibigan na iniwan siya ng sariling nobyo na nag-graduate noong linggo lamang. Magugunita na noong nakaraang mga araw, isang menor-de-edad din ang nagpakamatay sa palikuran sa bayan ng Polomolok, South Cotabato matapos iniwan din ng kanyang boyfriend.