MANILA, Philippines - Dalawang piloto ng Cebu Pacific ang kinuyog at ginulpe ng mga pasaherong Chinese matapos na makansela ang biyahe na patungong Shanghai, China sanhi ng masungit na panahon sa naganap na insidente sa paliparan ng Kalibo, Aklan kamakalawa.
Sa ulat ng PNP Aviation and Security Group, kinilala ang mga biktima na sina Captain Johnny Tinto, pilot and command at co-pilot Richard Avilla.
Ayon sa imbestigasyon, ang Cebu Pacific Flight 5J074 na umalis sa Maynila kamakalawa ng hapon ay patungong Shanghai, China pero pansamantalang na-divert ang biyahe sa Kalibo, Aklan dakong alas -7:48 ng gabi sanhi ng masungit na panahon kung saan ilang oras ding naantala ang paglipad ng eroplano.
Gayon pa man, habang naghihintay na umayos ang panahon ay stranded muna ang mga pasahero ng nasabing eroplano sa Kalibo International Airport sa kapitolyo ng Aklan.
Nagsisigaw naman sa matinding pagkainis ang mga pasahero nitong Chinese dahil inabot na ng alas-3 ng madaling araw noong Lunes ay stranded pa rin sila sa departure area ng paliparan.
Hinihiling ng mga ito na i-book sila ng pangasiwaan ng Cebu Pacific sa hotel kaysa magpalipas ng mahabang oras sa departure area pero tila wala umanong nakikinig.
Nang makita ng mga Chinese and dalawang piloto ay hinarang at kinuyog nila ang mga ito na makapasok sa gusali ng terminal ng nasabing paliparan.
Tinukoy naman na naÂnguna sa panggugulpe sa dalawang piloto ay ang Intsik na si Xue Weilang, kabilang sa mga na-stranded na pasahero.
Sa kabila ng pangyayari ay nagpakumbaba ang mga piloto na sinabing hindi na nila kakasuhan ang nasabing mga Chinese.