MANILA, Philippines - Isang inspector ng secuÂrity agency ang nasawi habang dalawa pang security guard ang sugatan makaraang barilin ng sinitang lasing na kapÂwa guwardya ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company sa Bauang, La Union kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Emmanuel Dacumos, 44, ng Brgy. Lingsat, San Fernando City, La Union.
Isinugod naman sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San FerÂnando City ang dalawa pang guwardiya na nasugatan sa pamamaril ng suspek na nakilala namang si Lorenzo Buccat.
Sa ulat ni La Union Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Alexander Rafael, naganap ang insidente sa tanggapan ng PLDT sa Brgy. Bacuit Sur, Bauang dakong alas-12 ng hatinggabi.
Ayon sa imbestigasyon, nagsagawa ng ‘surprise insÂpection’ si Dacumos sa kanilang mga guwardiya na nagbabantay sa PLDT office sa lugar at dito’y huling huli nito na natutulog dahilan sa kalasingan si Buccat.
Ginising nito si Buccat at sinermunan na nauwi sa mainitang pagtatalo bunsod upang mairita ang suspek na bigla na lamang pinaputok ang shotgun na sumapul sa ulo ng inspector na siya nitong ikinamatay.
Samantalang minalas namang masugatan ang dalawa pa nitong kasamahang guwardiya matapos na paputukan din.
Inaresto naman ng mga nagrespondeng awtoridad ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal. Joy Cantos/Raymund Catindig