QUEZON , Philippines - Mistulang iginanti ng mga rebeldeng New People’s Army ang pagkakadakip sa mag-asawang mataas na lider ng kanilang grupo makaraang tambangan at mapatay ang dalawang sundalo na lalahok sana sa medical mission habang apat naman ang nasugatan sa liblib na bahagi ng Barangay Cogorin Ilaya, bayan ng Lopez, Quezon kahapon ng umaga. Kinilala ang mga napatay na sundalo na sina 1st Lt.Ray Jun Blancada at Pfc. Mark Malabanan habang suÂgatan naman sina Cpl. Michael Mendano, Pfc. JZ Wilbourne Nisperos, Pfc. Francis Marcaida at si Pfc. Jomar Gruta. Sa inisyal na ulat na nakarating kay Lt. Col. Lloyd Cabacungan, public information officer ng Phil. Army –SOLCOM, patungo sa Barangay Vegaflor sakay ng KM450 military truck ang pangkat ni 1st Lt. Rey Jun Blancada ng Alpha Company, 85th Infantry Battalion ng Phil. Army upang lumahok sa medical mission nang tambangan ng mga rebelde.Kaagad na napuruhan at napatay ang isang tinyente at sundalo sa sorpresang pagkilos ng mga rebelde kung saan sugatan naman ang apat na iba pa. Tumakas ang mga rebelde patungong Barangay Binahian B at Ilayang Ilog matapos ang dalawang oras na bakbakan. Nabatid na istilo na ng mga rebelde ang magsagawa ng ambushcades at iba pang uri ng terorismo kaugnay ng gaganaping ika-45 taong anibersaryo ng NPA sa ika-29 ng buwang kasalukuyan. Noong Sabado ay naaresto ang mag-asawang Tiamzon na sinasabing matataas na lider ng NDF sa bayan ng Aloguinsan, Cebu.