MANILA, Philippines - Dalawampu’t isa katao kabilang ang 14 dayuhan ang nasagip ng search and rescue team makaraang aksidenteng magkaaberya ang sinasakyan ng mga itong bangka sa gitna ng masungit na panahon sa Cauayan, Negros Occidental nitong Biyernes ng hatinggabi.
Sa ulat na tinanggap ni Office of Civil Defense (OCD) Region 6 Director Rosario Cabrera mula kay Lt. Commander Dominador Senador, Commander ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Iloilo, wala namang nasaktan sa mga nasagip na lulan ng bangka.
“The said motorbanca was used in diving adventures, was enroute from San Jose, Antique to Oslob, Cebu when it sustaind damaged on the starboard outriggersâ€, pahayag ng opisyal kung saan ang nasabing mga dayuhang turista ay pawang mga divers.
Ayon sa opisyal, kabilang sa mga nasagip na dayuhan ay mga French, Swiss , German at Spanish na dumating sa Iloilo City dakong alas-6:40 ng umaga noong Sabado.
Samantalang ang 7 Pinoy ay mga tripulante ng nagkaaberyang M/B Ona na nasiraan ng katig sanhi ng malakas na hangin at alon may 8 milya sa Sojoton Point sa Cauyan.Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang PCG lulan ng rescue ship MCS 3006 at natagpuan bandang alas-3:30 ng madaling araw nitong Sabado ang nasiraang bangka at nasagip ang 21 katao na nasa maayos ng kondisyon.