Baliw nag-amok: 6 kinatay

MANILA, Philippines - ANIM-katao  ang napatay matapos na pagtatagain ng mister na pinaniniwalaang sinumpong ng pagkabaliw sa naganap na masaker sa Sitio Sanitalan, Barangay Labangon sa bayan ng Du­mingag, Zamboanga del Sur kamakalawa.

Kinilala ang mga napatay na sina Merlita Emoc, 27; Junrey Emoc, 7; Merlyn Emoc, 4; Nak-Nak Emoc, 2; ang mag-asawang Samuel Anligis, 57; Presciosa Anligis, 59; at ang mister na sinasabing baliw na si  Renie Arnatis.

Isinugod naman sa paga­mutan si Lito Anligis, 29, na pinagtataga rin ni Arnatis.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na nag-aalmusal ang pamilya Enoc sa kanilang bahay nang pasukin at pagtatagain ng nag-aamok na si Arnatis.

Hindi pa nakuntento ay sumunod namang pinasok ni Arnatis ang bahay ng mag-asawang Anligis kung saan pinagtataga hanggang sa mapatay.

Sinugod din ni Arnatis ang anak ng mag-asawa na si Lito pero kahit sugatan ay nagawa nitong maagaw ang itak at sa matinding galit ay pinagtataga ang mister na baliw hanggang sa mapatay.

 

Show comments