Mag-ama kinatay sa inuman

BATANGAS, Philippines - – Brutal na kamatayan  ang sinapit ng mag-amang magsasaka matapos pagtulungang tagain at saksakin ng mag-aama na nakainuman ng mga ito sa Lipa City, Batangas noong Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Jacinto Malinao, hepe ng Lipa City PNP ang mga napatay na sina Igmedio Basi, 78; at Nestor Basi, 46, kapwa nakatira sa Barangay Purok 8, Barangay Talisay sa nasabing lungsod.

Kalaboso naman ang suspek na si Abelardo Barcelon, 61; habang pinaghahanap ng pulisya ang mag-utol na sina Leonardo Barcelon, 30; at Ariel Barcelon, 20, pawang nakatira sa nasabing barangay.

Base sa police report, nag-iinuman ang mag-aamang Basi at Barcelon sa kanilang barangay nang big­lang magtalo sina Nestor at ang matandang Abelardo bandang alas-6 ng gabi.

Tinangkang awatin ni Igmedio ang pagtatalo ng dalawa nang sumaklolo ang magkapatid na Leonardo at Ariel Barcelon kung saan pinagsasaksak ang matandang Basi. 

Gayundin, pinagbalingan din si Nestor na papatakas na sana pero inabutan ng mga suspek at pagtatagain gamit ang bolo at kutsilyo.  

Agad na tumawag ng mga pulis ang kapitbahay at naaresto si Abelardo habang pinatakas naman nito ang dalawang anak.

Show comments