MANILA, Philippines - Maagang sinalubong ni kamatayan ang dalawang bata matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog sa Zamboanga Sibugay kamakalawa. Kinilala ang mga nalunod na sina Czarina Marie Opsima at Antonette Casimina, kapwa 10-anyos at estudyante ng Tungawan Elementary School. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Ariel Huesa, naganap ang insidente sa ilog malapit sa bahay ng mga biktima sa Barangay Upper ng nasabing bayan dakong alas-12 ng tanghali. Magkasamang naligo sa ilog ang dalawang bata nang napagawi sa malalim na bahagi si Czarina Marie kung saan tinangka itong saklolohan ni Antonette pero nalunod din ito nang tangayin ng malakas na agos. Lumutang naman ang bangkay ng mga biktima ilang oras matapos malunod kung saan narekober ng search and rescue team.