Lola sinakal, minartilyo sa junkshop

Duguan nang matagpuan sa ilalim ng lababo ang katawan ng biktima matapos itong martilyuhin at sakalin hanggang sa mapatay kamakalawa sa Barangay Duhat, bayan ng Bocaue, Bulacan. Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 63-anyos na lola na sinasabing katiwala sa junk shop makaraang sakalin ay minartilyo pa ng lalaking nagbenta ng scrap kamakalawa ng gabi sa Barangay Duhat, bayan ng Bocaue, Bulacan.

Sinakal gamit ng electrical cord at basag ang bao ng ulo ng biktimang si Zenaida Obar, biyuda at naninirahan sa Sitio Libis Kanan sa nasabing barangay.

Inilatag na ang pulisya ang malawakang manhunt operation laban sa suspek na si Edwin Marcelino, 60, tubong Calauag, Quezon at nakatira sa Barangay Cogeo, Antipolo City, Rizal.

Base sa imbestigasyon ni SPO1 Ferdinand Cabuhat nagpunta ang suspek sa junk shop ng mag-asawang amo ng biktima upang magbenta ng iba’t ibang kasangkapang pang-kusina.

Gayon pa man, pansamantalang pinatuloy ng biktima ang suspek sa junkshop habang ang kanyang apong babae naman ay lumabas.

Nang bumalik ang apong babae kinabukasan ay natagpuan nito ang kanyang lola na dugaung nakahandusay sa ilalim ng lababo.

Narekober sa crime scene ang baseball bat, martilyo na may bahid ng dugo habang patuloy ang pagsisiyasat.

 

Show comments