MANILA, Philippines - Anim na tripulante ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang masunog ang isang cargo vessel habang nakadaong sa pantalan ng Bacolod City, Negros Occidental kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense, bigla na lamang nagliyab at sumabog ang SF Adventure Cargo Vessel na nakadaong sa BREDCO Port dakong alas-10 ng umaga.
Kinilala ang mga sugatang sina Ronelo Cavalcar, Deo Norico, Froilyn Sembrano na pawang residente ng Iloilo; PedÂrito Mahinay ng Bacolod City; Inocencio Sarbido ng Cebu; at si Artemio Rosales ng Leyte na pawang nalapnos ang mga mukha hanggang paa at kasalukuyang ginagamot sa Western Visayas Regional Hospital.
Sinasabing ilan sa mga biktima ay itinakbo sa pagamutan na walang mga saplot na sanhi ng pagsabog at pagliyab na naganap sa bahagi ng barko.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection at PNP, bandang alas-10 ng umaga nang magliyab ang cargo vessel.
Ayon sa ilang survivors, isang malakas na pagsabog ang narinig bago nagliyab ang bahagi ng engine room ng barko kung saan naroon ang mga biktimang nagwe-welding.
Naagapan naman ang sunog bago pa kumalat sa buong barko na may mga kargang bakal at mga construction materials dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero.