Cessna bumagsak: 2 piloto sugatan

MANILA, Philippines - Dalawang piloto ang nasugatan makaraang  bumagsak ang trainer plane sa bubungan ng bahay sa Barangay Poblacion, bayan ng Rizal, Nueva Ecija kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasu­gatang biktima na sina Paul Pafultad, 30, piloto ng bumagsak na eroplano; at Wen Hiet, taga-Myanmar, 21, co-pilot at kapwa pansamantalang nakatira sa bayan ng Binalonan, Pangasinan.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo si Pafultad na naisugod naman sa Dr. Rafael Clinic sa Nueva Eciija habang nasa maayos na kondisyon ang co-pilot nitong si Hiet.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Crizaldo Nieves na nakara­ting sa Camp Crame, dakong alas-7:20 ng umaga nang bumagsak ang Cessna 2-sea­ter trainer plane na may tail number RP-1025 sa bubungan ng bahay ni Glenn Paraiso, 54.

Sa isang radio interview, sinabi ni Paraiso na nasa kusina siya nang bumagsak ang eroplano sa kanilang bubungan kung saan wala namang nasugatan at namatay sa kaniyang pamilya.

Show comments