MANILA, Philippines - Napatay ang 10-anyos na totoy na sinanay na mandirigma matapos itong niratrat ng mga bandidaong Abu Sayyaf Group dahil sa pagtalikod nito sa ektreÂmistang grupo sa naganap na karahasan sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan.
Sa ulat ni Army’s 104th Infantry Brigade Commander Col. Carlito Galvez, naganap ang pamamaslang sa biktimang si Bingol Palaraw sa harapan ng Muslim Religious School sa bayan ng Tipo-Tipo bandang alas-7 ng gabi.
Ang batang ginawang mandirigma ng mga bandido ay nasagip sa isa sa mga operasyon ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf may 8-buwan na ang nakalipas matapos tumakas mula sa umbagerong ama-amahan.
Nabatid na ang bata ay sinanay sa terorismo ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama na kilalang notoryus sa mga kaso ng kidnap-for-ransom, pambobomba, ambuscades laban sa security forces at maging pamumugot ng ulo ng mga hostages.
Sa murang edad ng bata ay natuto itong magbitbit ng armas at makipagpalitan ng putok sa mga sundalo kung saan ang mga tinaguriang child warriors ay ginagawang frontline sa sagupaan.
Samantala, nasagip ang bata at isinailalim ito sa masusing stress debriefing hanggang sa mahimok na bumalik na muli sa pag-aaral sa tulong ng mga lokal na opisyal ng lalawigan.