Judge itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Napaslang ang prominenteng huwes matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem sa naganap na pananambang sa kahabaan ng Narra Drive, Barangay Tugbungan, Zamboanga City, Zamboanga del Sur kahapon ng umaga.
Sa phone interview, kinilala ni P/Chief Inspector Ariel Huesca, PNP regional spokesman ang biktimang si Judge Renerio Estacio ng Zamboanga Regional Trial Court Branch 14 kung saan naisugod pa ito sa Doctors Hospital subalit namatay din.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-7:40 ng umaga habang lulan si Judge Estacio ng Honda CRV (KCH 111) nang sundan at pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na lulan ng motorsiko pagsapit sa nasabing lugar.
Nabatid na kaaalis lamang ng bahay ni Judge Estacio kasama ang kanyang misis nang pagbabarilin ng tandem gamit ang cal. 45 pistol kung saan nakaligtas naman ang asawa nito.
Nabatid na ilan sa mga kasong kontrobersyal ang hawak ni Judge Estacio na may kaugnayan sa bawal na droga ang isa sa sinisilip ng mga awtoridad na pinaniniwalaang motibo sa naganap na pamamaslang.
- Latest