QUEZON, Philippines – Sumiklab ang matinding tensyon sa Quezon Provincial Jail matapos hindi palabasin ang 46-katao na bisita ng mga preso kahapon ng hapon sa Lucena City.
Ayon kay P/Supt. Allen Rae Co, hepe ng Lucena City PNP, humingi ng tulong ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pulisya dahil sa hindi pagkakaintindihan ng mga kawani ng BJMP at mga preso.
Sa inisyal na ulat, bumisita ang 46-katao noong Sabado sa may 20-preso kung saan nilabag ng mga ito ang patakaran ng bilangguan na bawal magpatulog ng hindi preso sa naturang kulungan.
Gayon pa man, hindi pinalabas ng mga guwardiya ng BJMP ang 46-katao kabilang ang 16 na bata na pawang dumalaw sa kani-kanilang kaanak na nakakulong.
Tumagal ng maghapon ang paliwanagan ng bawa’t panig subalit bandang alas-4:30 ng hapon ay pinalabas na rin ang ilang bisita habang ang apat sa mga ito ay nanatili sa kulungan upang tiyakin na hindi pagbabalingan ng mga guwardiya ang mga kaanak nilang preso. Ricky Tulipat, Michelle Zoleta at Arnell Ozaeta