Pulis inutas ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Sabog ang bungo ng isang pulis na intelligence operative matapos itong barilin ­sa ulo ng isa sa riding-in-tandem na mga armadong­ salarin sa Bulaong Village, Barangay Labangal, General Santos City  nitong Biyernes ng hapon.

Base sa report ni Ge­neral Santos City Police Director P/Sr. Supt. Froilan Qui­dilla, kinilala ang nasawing biktima na si PO3 Sherwin Badan, intelligence operative sa Sarangani at Davao Occidental.

Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala ng cal. 45 pistol sa ulo at dead- on-the-spot sa insidente.

Sa imbestigasyon, naganap ang krimen dakong alas-5:50 ng hapon sa nasabing lugar habang nagpapa-load sa kanyang cell phone sa isang tindahan ang na­sabing parak nang barilin nang malapitan ng isa sa riding-in-tandem habang isa pa ang nag­silbing lookout.

Bago ito ay sinasabing nakakatanggap ng mga pagba­banta sa kanyang buhay ang biktima na isiniwalat sa mga imbestigador ng kanyang misis na si Wilma Badan. Patuloy ang pagsisiyasat sa motibo ng krimen.

 

Show comments