MANILA, Philippines - Napaslang ang tinukoy na bomb expert habang patay din ang isang pulis at sugatan naman ang isa pa nang hagisan ng granada sa pagsisilbi ng warrant of arrest na nauwi sa shootout sa Barangay Madidis, bayan ng Datu Paglas, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Wilben Mayor, spokesman ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima ang napaslang na bomber na si Usop Kusain, alyas Roland/Commander TMX.
Sugatan naman ang dalawang miyembro ng PNP-SAF na sina PO3 Michael Cuyahon at PO1 Louie Acosta.
Si Cuyahon ay idiÂneklarang nasa maayos ng kondisyon sa Sandig Medical Clinic sa Tacurong City habang si Acosta ay namatay sa North Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City.
Nabatid na isisilbi sana ng pinagsanib na puwersa ng Special Action Force (SAF) at ng Maguindanao PNP provincial office ang warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder laban kay Kusain nang manlaban ito.
Naghagis pa ng granada at nagpaputok ng baril si Kusain na humantong sa shootout kung saan napatay ito.
Si Kusain ay kasamahan ng isa pang bomber na si Salahuddin Hassan na sangkot sa pambobomÂba sa Philbest sa GeÂneral Santos City noong 2007 kung saan aabot sa anim-katao ang namatay habang marami pa ang nasugatan.