MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pagbabayad kaagad ng utang, napaslang ang 27-anyos na Iranian nursing student matapos itong pagsasaksakin ng kapwa Iranian sa Dagupan City, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Pangasinan PNP spokesman P/Chief Inspector Ryan Manongdo ang biktimang si Bagher Nasserosta na napuruhan sa dibdib at idineklarang patay sa Decena Hospital sa Bonuan Gueset.
Samantala, naaresto naman ang suspek na si Afshin Mamdavi, 38.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa Rayos Apartment ng biktima sa Barangay Bonuan Gueset sa nasabing lungsod.
Nabatid na ang biktima ay may utang sa suspek na nairita matapos itong hindi kaagad bayaran kung saan humantong sa pananaksak.
Inihayag naman ni Dagupan City PNP Chief P/Supt Christopher Abrahano na sinampahan na kahapon ng kasong murder ang suspek.