Miyembro ng BIFF utas sa engkwentro sa Cotabato
MANILA, Philippines – Patay ang isang hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters habang arestado ang isa pa matapos ang naudlot na pambobomba sa Carmen, North Cotabato ngayog Lunes.
Nakilala ang nasawing suspek na si Tangtang Tahir, 30, na kaagad binawian ng buhay matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga awtoridad.
Sakay ng motorsiklo si Tahir at kasamahan niyang si Nano Ampit nang maharang ng mga sundalo at pulis sa isang checkpoint sa Barangay General Luna sa Carmen.
Pumalag si Tahir at naghagis ng granada sa mga awtoridad ngunit pumalya ito at hindi sumabog.
Dahil dito ay nauwi sa palitan ng putok ang insidente na ikinasawi ni Tahir. Kusang sumuko si Ampit nang makita ang duguang kasama
Kinukuhaan na ng impormasyon ng mga awtoridad si Ampit na nakakulong sa Carmen municipal police.
Bago pa ang insidente ay kabilang sina Tahir at Ampit sa mga pinaghahahanap ng mga awtoridad dahil sa pangingikil sa lugar.
- Latest