LUCENA CITY, Philippines - — Dahil sa CCTV at kooperasyon ng isang trike driver, naaresto at tuluyan nang ikinulong ang pangunahing suspek sa pamamaslang sa ama ng komedyante at magician na Jeffrey Tam, kamakalawa ng tanghali.
Patuloy na sumasailalim sa interogasyon ang nadakip na si Patrick Nobleza, alyas Tatik, 21, binata at residente ng Purok Mutya, Brgy. Cotta. Positibong nakilala ang suspek sa pamamagitan ng ipriniÂsintang CCTV footages sa tricycle driver na si Marlon Vasquez.
Ayon kay Vasquez, pinara umano siya ng suspek noong madaling araw nang February 11, 2014 sa Dalahican road sakop ng Brgy. Mayao Crossing at nagpahatid sa Brgy. Cotta kung saan naninirahan ang biktimang si Alfredo Tam.
Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin sa kanyang tirahan at sa pagtatanong ni Supt. Allan Rae Co, hepe ng Lucena PNP ay sinabi ng suspek na ipinagtanggol lamang niya ang sarili kung kaya napaslang niya ang matandang Tam, gayunman ay hindi nito idinetalye kung paano pinatay ang biktima at kung ano ang dahilan.
Magugunita na natagpuan ang bangkay ni Tam sa Brgy. Tongko, Tayabas City na hinihinalang sinagasaan at ang Isuzu Crosswind naman nito ay natagpuan sa barangay na kung saan ay unang sumakay ang suspek patungo sa tahanan ng mga Tam.