Driver binoga ng traffic enforcer

MANILA, Philippines - Dahilan umano sa paglabag sa trapiko, binaril at napaslang ng isang nairitang traffic enforcer ang  driver ng isang jeepney matapos ang mainitang pagtatalo sa kahabaan ng national highway, Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna nitong Miyerkules ng gabi.

Idineklarang dead-on-arrival sa Cabrini Hospital ang biktimang kinilalang si Sernel Malaguit, 41 anyos, driver ng PUJ (DXV-658), residente ng Sto. Tomas, Batangas  matapos magtamo ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa likurang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nakilala namang si Alexander Rabago, 43 anyos, Brgy. Tanod ng Brgy. Makiling, Calamba City na nakatalagang traffic enforcer sa lugar.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni Sr. Supt. Fausto Manzanilla Jr., Director ng Laguna Provincial Police Office (PPO), naganap ang krimen sa harapan ng Yazaki Torres, national highway, Brgy. Makiling ng lungsod dakong alas-6 ng gabi.

Nabatid na ang biktima ay may rutang Calamba City na patungong Malvar, Batangas na sinita ng suspek matapos na magbaba umano ng alanganin ng mga pasahero nito sa national highway ng Brgy. Makiling sa lungsod ng Calamba na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Pinaharurot ng driver ang jeepney upang umiwas sa nagmumurang traffic enforcer pero hinabol ito ng suspek at ng maabutan ay sumampa sa behikulo saka pinagbabaril ang driver.

 

Show comments