Acct. exec ng MBC todas sa 2 trak

MANILA, Philippines - Patay ang account exe­cutive ng Manila Broadcasting Company (MBC) matapos na suwagin ng truck ang minamaneho nitong SUV sa naganap na trahedya sa kahabaan ng highway sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang namatay na si Nelson Landicho ng BF Homes, Parañaque City habang sugatan namang isinugod sa ospital ang kasamahan nitong si Ernesto Manalo, 55, freelance salesman.

Base sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang malagim na sakuna sa kahabaan ng national highway sa Barangay Aga, Nasugbu, Batangas bandang alas-8:50 ng umaga.

Sa imbestigasyon, minamaneho ni Landicho ang Honda CRV (PAO 995) nang mabangga ng trailer /tractor truck (RMX 177) at TUF 751.

Sa lakas ng pagkakabangga ay pumasok sa kaliwang linya ang sasakyan ni Landicho na nasagasaan din ng  Isuzu cargo tanker (REH  984) na nakarehistro sa BCD gasoline station at minamaneho ni Carlos Fernando.

Bunga nito, nagkayupiyupi ang sasakyan ni Landicho kung saan naipit pa sa loob ng CRV habang sinuyod pa ng tractor ang plantasyon ng tubo sa Barangay Cordoba sa nasabing bayan.

Show comments