MANILA, Philippines - Isang babaeng negosyante na nagmamay-ari ng mga pampasaherong barko ang dinukot ng mga hinihinalang miyemÂbro ng grupong Abu Sayaff sa loob ng tindahan nito sa bayan ng Mapun, Tawi-Tawi.
Ayon kay Lt. Cmdr. Jomark Angue, commander ng Philippine Coast Guard Zamboanga Station, dakong alas-5:35 ng hapon nitong Biyernes nang puwersahang dukutin ng mga armadong lalaki ang biktimang si Sugar Esperanza Buenviaje mula sa kanyang tanggapan sa Barangay Liyubud Mapun, Tawi Tawi. Bigla na lamang umanong pumasok ang mga suspek sa tindahan ng biktima at saka siya puwersahang kinuha at isinakay sa isang pump boat na naghihintay sa hindi kalayuan at tumakas sa hindi pa malamang direksyon.
Ang dinukot na nasabing negosyante ay nagmamay-ari ng barkong M/L Sugar Dianne na may ruta sa lalawigan ng Tawi-Tawi, Sulu, Zamboanga City at Palawan.
Nagsanib puwersa na ang PNP, Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang iba pang mga unit para sa isinasagawang search and rescue operation para sa biktima. Ang isla ng Mapun ay malapit sa isla ng Sabah, Malaysia kaya inaalam pa rin ng mga awtoridad ang posibilidad na maaaring doon dinala ang naturang biktima.