MANILA, Philippines - Umaabot sa labintatlo sa kabuuang 53 napaslang na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay mga child warriors o mga batang mandirigma sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng rebeldeng grupo na nasa ika-5 araw na sa Central Mindanao.
Ayon kay Col. Dickson Hermoso, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division simula noong Enero 27 hanggang sa kasalukuyan ay naabot na sa 53 ang napapatay kabilang ang isang opisyal na si BIFF Commander Hassan Indal kung saan 52 sa kalaban at isa naman sa panig ng mga sundalo.
Samantala, aabot naman 62 ang nasugatan kabilang ang 49 sa BIFF fighters at 13 naman sa tropa ng pamahalaan simula noong Enero 27.
Gayon pa man,13 child warriors ng BIFF ang kabilang sa mga narekober na bangkay sa encounter site sa ilang bayan ng Maguindanao at Pikit, North Cotabato.
Inihayag ng opisyal na patunay lamang na ang pagkakarekober ng mga child warriors na tinatayang nagkakaedad 14-15 na ginagawang frontline sa sagupaan.
“They were child fighters because they were in fatigue uniform and they had firearms,†paliwanag pa ng opisyal.
Sa kabuuang 52 napatay na BIFF fighters ay 19 na ang natukoy ang pagkakakilanlan habang sa 49 nasugatan ay 12 naman ang nakilala na rin.
Bilang pagrespeto sa kultura ng mga Muslim ay hindi na nila hinukay pa ang mga bagong libing na BIFF members na nagkalat sa kagubatan.
Sa tala, ang BIFF ay breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) o grupong sumasabotahe sa peace talks ng pamahalaan sa grupo ni MILF Chairman Al Hadz Ibrahim Murad.