MANILA, Philippines – Timbog ang isang Amerikanong pugante sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, ayon sa isang opisyal ng pulisya.
Sinabi ng tagapagsalita ng Police Regional Office 9 (PRO) Chief Inspector Ariel Huesca ngayong Biyernes na nakilala ang dayuhang si Donald Lloyd Warren, 70, na tubong Paris, Texas, USA.
Sa bisa ng arrest warrant ay nadakip si Warren sa kanyang tirahan sa Sitio Gampis, Barangay Sicayab, Dipolog City nitong Martes ng gabi.
Nagsanib puwersa ang Bureau of Immigration, fraud investigator regional security office-overseas criminal investigations, Dipolog City police sa tulong na rin ni Special Agent Carlos John ng US Department of State overseas criminal investigation and diplomatic security service na nakabase sa US embassy sa Maynila upang mahuli ang Amerikanong pugante.
Sinabi pa ni Huesca na may kasong Child Indecency at theft si Warren sa Texas.
Pansamantalang nakakulong ang Amerikano sa Dipolog City Police Station habang hinihintay ang deportation order mula sa embahada ng Amerika.