MANILA, Philippines - Napatay ang 46-anyos na barangay treasurer matapos itong ratratin ng mga armadong lalaki sa harap ng kanyang mister sa Purok San Francisco, Barangay Igat sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Mercedita Heyrana ng Barangay Limbatong sa nabanggit na bayan. Sa ulat ni PNP regional spokesman P/Chief Inspector Ariel Huesca, magkaangkas sa motorsiklo ang biktima at ang mister nitong si Jimuel Heyrana nang harangin ng mga armadong lalaki kung saan pinababa sa motorsiklo ang babae. Kasunod nito ay agad binaril sa ulo ang biktima kung saan nagawa namang makaligtas ng mister matapos nitong paharurutin palayo ang motorsiklo. Kabilang sa anggulong sinisilip ng pulisya ay ang posisyon ng biktima sa kanilang barangay.