CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines - Isang negosÂyante na bumibili ng ginto ang nasawi matapos na harangin at paulanan ng bala ng mga di-nakikilalang holdaper habang sakay ng motorsiklo at saka tinangay ang mga pinamiÂling mga ginto sa Barangay Concepcion, Aroroy, Masbate kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Jestoni Laurio, 24, may live-in-partner, at residente ng Barangay Panique, Aroroy, Masbate.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon naganap ang panghoholdap habang sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo papauwi na sa kanilang lugar, galing sa Barangay Pangle matapos na mamili ng ginto sa mga minero.
Bigla na lamang lumutang ang dalawang di-nakikilalang suspek hinarang ang biktima at agad siyang pinagbabaril.
Nang makitang nakabulagta at wala nang buhay ang biktima, mabilis na kinuha ng mga suspek ang bag na naglalaman ng mga ginto na binili nito sa mga minero at ang hindi pa mabatid na pera na dala nito.
Kaagad na tumakas papalayo ang mga suspek matapos na isagawa ang krimen at makulimbat ang pakay na mga ginto.
Narekober ng nagrespondeng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 pistola siyang ginamit ng mga suspek sa pamamaslang sa mister.