Binigti bago hinataw ng kahoy sa ulo: 10-anyos ginahasa, pinatay sa imburnal

CAVITE, Philippines – Karumal-dumal ang sinapit ng isang 10-anyos na batang mag-aaral na natagpuang duguan at wala nang buhay na pinaniniwalang ginahasa muna bago tuluyang pinatay ng di kilalang salarin sa isang imburnal  ng isang subdivision sa Naic, lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Sr.. Supt. Joselito Esquivel, Cavite Police Director, ang biktima na si Franchesca Catibayan Santos, na natagpuang nakahandusay sa isang malalim na kanal sa Naic Country Homes sa Brgy. Malainen Luma.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-4 ng hapon nang umuwi galing sa klase sa Malainen Luma Elementary School.

Pagkauwi sa kanilang bahay, lumabas din umano ang batang biktima at nakita pang may kasamang binatilyong lalaki malapit sa eskuwelahan.

Nang magsimulang kumagat ang dilim, nag-alala na ang kanyang pamilya kaya hinanap siya ng mga kamag-anak at kapitbahay dahil hindi naman umano ito nagpapagabi sa kalsada.

Dakong alas-9:45 ng gabi nang madiskubre ng mga residente ang bangkay ng bata sa imburnal sa Cityland Subdivision, Brgy. Malainen Luma ng nasabing bayan.

Nakita sa bata ang mga matitinding sugat sa  ulo  na tanda na pinagpapalo ng matigas na bagay habang nasa leeg pa nito ang lubid na ipinansakal. Natagpuan din sa lugar ang isang kahoy na may bahid ng dugo na hinihinalang siyang ipinampalo sa kanyang ulo.

May mga sugat din umano ang biktima na senyales na nanlaban sa mga suspek ang bata.

Bunsod nito, apat na katao ang inimbitahan ng pulisya kabilang na ang dalawang kamag-anak ng  biktima na unang nakakita sa huli para sa isinasagawang imbestigasyon sa krimen.

Ipinasailalim na sa awtopsiya ang katawan ng biktima upang matiyak kung sadyang hinalay ito.

 

Show comments