MANILA, Philippines – Aarmasan ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City ng 70 gauge shotguns ang mga barangay tanod upang mapigilan ang paglaganap ng krimen sa lugar.
Sinabi ni City Councilor Francis Palmones, tagapangulo ng committee on peace and order, na inaprubahan nila hiling ni City Mayor Joseph Evangelista na magkaroon ng 12 combat shotguns ang mga tanod.
Kasunod ito ng panloloob sa isang gas station ng mga armadong kalalakihan na kargado ng AK-47 Kalashnikov rifles noong nakaraang buwan sa Barangay Sudapin.
Sinubukang rumesponde ng mga barangay tanod sa krimen ngunit nauwi ito sa pag-atras matapos makita ang armas ng mga suspek.
Sinabi ni Evangelista na kaagapay ng mga barangay tanod ang mga pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lungsod.