Magpinsan niratrat sa kasalan

xMANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang masayang handaan sa kasalan matapos ratratin ng  riding-in-tandem gunmen ang magpinsan kung saan napatay ang isa habang kritikal naman ang isa pa sa panibagong karahasang naganap sa  Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Naz Mohammad Salvin habang naisugod naman sa Zamboanga City Medical Center si Mohammad Adil Lao na nasa kritikal na kalagayan.

Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa masayang handaan sa kasal ng kaanak ng mga biktima bandang alas-10:31 ng gabi.

Kalalabas lamang ng mga biktima sa bakuran ng ikinasal nang bigla na lamang sumulpot at ratratin ng dalawang lalaki na  magkaangkas sa motorsiklo.

Matapos isakatuparan ang krimen ay mabilis na nagsitakas ang gunmen patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Narekober sa crime scene ang sampung basyo ng bala ng cal 5.56mm habang patuloy naman ang pagsisiyasat.

 

 

Show comments