Dalagita, binoga ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang gina­wang pambayad utang sa atraso ng isa sa miyembro ng kaniyang pamilya ang isang 16-anyos na dalagita na pinagbabaril ng riding-in-tandem na mga armadong salarin sa harapan ng kanilang tahanan sa Mexico, Pampanga kamakalawa.

Ang biktimang si Rialyn Ravalo, residente ng B-100 1-12 NHA Pandacaqui, Me­xico, Pampanga ay dead- on-arrival sa pagamutan sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng ka­niyang katawan.

Sa ulat ng Pampanga Police, naganap ang krimen habang nakaupo ang biktima sa bangko sa harapan ng kanilang tahanan sa nasabing lugar dakong alas-8:50 ng umaga.

 Ayon sa imbestigasyon, biglang sumulpot ang riding- in-tandem na mga salarin at pagtapat sa dalagita ay walang sabi-sabing pinagbabaril ito ng ilang beses.

Duguang napalupasay ang biktima habang mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Nagawa pang maisugod ang biktima sa pagamutan pero idineklara na itong dead-on-arrival.

Kasalukuyan namang ina­alam ng mga awtoridad ang motibo ng krimen kabilang ang umano’y atraso ng isa sa miyembro ng pamilya ng biktima sa mga suspek.

 

Show comments