MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang hepe ng pulisya ang nasugatan matapos mamaril sa dance floor ang pangulo ng Association of Barangay Chairman (ABC) noong Huwebes ng gabi sa Baay-Licuan, Abra.
Kinilala ni P/ Supt. Davy Vicente Limmong ang nasugatang pulis na si SPO4 Nelson Espiritu Venus, 44, deputy chief of police ng Baay-Licuan PNP station.
Sugatang naisugod din sa ospital sina Catalino Gaboy, 46, administrative officer 3; at Kagawad Gerardo Bernal, 38, ng Barangay Duminglay.
Sa ulat ni Abra PNP director P/Senior Supt. Benjamin Lusad, naganap ang pamamaril sa Multi Purpose Hall ng Baay-Licuan bandang alas-9:30 ng gabi.
Nabatid na nagkakasiyahan sa pagtitipon nang mag-amok at mamaril ang suspek na si Chairman Joseph Sales Daguio, 66, ng Barangay Tumalip.
Lumilitaw na inimbitahan ni SPO4 Venus na magsayaw ang accountant ng munisipyo na si Grethel Sacragun na agad naman nitong pinaunlakan.
Habang umiindak sa saliw ng tugtugin ang dalawa ay biglang nagwala ang suspek at pinagbabaril si Venus kung saan tinangka namang awatin ni Gaboy pero tinamaan ito sa kilikili.
Sugatan din si Bernal matapos tamaan ng bala sa kaliwang hita habang isa sa mga pulis na tinukoy sa apelyidong PO2 Babila ang naagaw ang baril ng suspek at inaresto ito.
Ang mga biktima ay isinugod sa Seares Memorial Hospital pero inilipat sina SPO4 Venus at Gaboy sa Abra Provincial Hospital.