Mag-asawa tiklo sa pagpatay sa ret. guro

BULACAN, Philippines - - Kalaboso ang binagsakan ng mag-asawa na isinabit sa pagpatay at pagnanakaw sa retiradong guro noong Linggo matapos arestuhin ng mga operatiba ng pulisya sa Barangay Iba, bayan ng Hagonoy, Bulacan kahapon.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Florante Faustino at Virginia Faustino, kapwa residente ng Sitio Wawa sa nasabing barangay.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Rizalino Andaya, ilang saksi ang nagsabi na nasa bakuran ni Lucia Manila, 68, retiradong guro ang mag-asawa noong Linggo ng madaling araw bago matagpuang patay ang matanda.

Maging ang traysikel ng mag-asawa na ipinarada sa bakuran ng biktima ay natukoy at kinilala rin ng ilang saksi.

Sa imbestigasyon, ang mag-asawa ay nagsisilbing ahente ng retiradong guro sa negosyong pagpapautang.

Kaugnay nito, ayon kay PO2 Michael Gutierrez na kasalukuyang pinoproseso ng Bulacan Crime Laboratory ang mga fingerprint at mga buhok na nakuha sa crime scene.

Show comments