School campus binomba: 26 sugatan

NORTH COTABATO , Philippines   - Umaabot sa 26-katao ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng mga di-kilalang kalalakihan sa school campus ng kolehiyo sa Barangay Doroluman, bayan ng Arakan, North Cotabato kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Senior Inspector Rolly Oranza, hepe ng Arakan PNP ang mga sugatan na sina Police Officer 1 Eleazar Lorenzo ng Arakan PNP, Joselito Cases, Melody Caro, Albasser Manalasal, Abdul Hapie, Darlyn Ha­pie, Kahar Afdal, Quilborn Abdullah Mantawil, Mohamad Abdulla, Marco Adam, Saek Dimapalao, Jun-Jun Yumen, Lodevico Taniongon, Adbul Duque, Mohamad Nasa, Eugene Lamada Edzahal, Abubakar Mamalac, Norsaiden Hadjiharon, Esmael Datuan, Leo Robert Tuble, Salajudin Kasan Abedin, Lloyd Yumen, Almoctader Lumabas, Albert Plang Mapas, Liezel Lariosa Hapie at si Eugine Edsakal.

Karamihan sa mga sugatan ay dinala sa Kidapawan Doctors Hospital at North Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City.

Sa ulat na nakarating kay North Cotabato PNP director P/Senior Supt. Danilo Peralta, rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection sa naganap na sunog malapit sa Presidential cottage sa loob ng nasabing school kung saan sumabog ang bomba sa gilid ng  firetruck bandang alas-8 ng gabi.

Pinabubuo naman ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa pulisya ang Special Task Force na mangu­nguna sa imbestigasyon sa pagsabog.

Anggulong alitan sa paaralan o kaya kagagawan ng mga terorista ang naganap na pagpapasabog.

Show comments