MANILA, Philippines - Dahil sa sobrang kalikutan, namatay ang 3-anyos na totoy makaraang aksidenteng pumutok ang baril ng guwardiyang ama sa Barangay Nagsabaran, bayan ng Balaoan, La Union, kamakalawa.
Sa phone interview, kinilala ni La Union PNP director P/Senior Supt. Ramon Rafael ang biktima na si Christian Dave Bocarille ng nasabing barangay.
Ayon sa opisyal, ang bata ay binawian ng buhay sa pagamutan matapos itong mapuruhan ng tama ng bala ng cal. 38 revolver na pag-aari ng kanyang ama na si Elpedio Bocarille, isang security guard.
Sinabi ng opisyal na bandang alas-12:30 ng tanghali kamakalawa habang nag-hahanda ng pananghalian ang mga magulang na sina Elpidio at Christine Bocarille nang hilahin ng bata ang clutch bag ng ama na nakasabit sa dingding.
Bunga nito ay bumagsak sa sahig ang baril na aksidenteng pumutok at tumama sa bata.
Bigla na lamang umalingawngaw ang putok ng baril kasabay ng pag-iyak ng bata na duguang isinugod sa Balaoan District Hospital kung saan inilipat ito sa Lorma Hospital pero nabigong maisalba ang buhay.
Kasalukuyang bineberipika kung lisensyado ang baril na ipina-surender na kasama ang apat na bala at isang basyo.
Isinailalim na sa paraffin test ang ama ng bata at sa ballistic examination naman ang pumutok na baril.