Mandurukot ginulpi ng taumbayan

MANILA, Philippines - Bugbog-sarado ang notor­yus na mandurukot matapos itong pagtulungang kuyugin ng taumbayan ilang minuto matapos na biktimahin ang isang misis sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, halos hindi ma­kagulapay ang suspek na si Jonathan Salazar, tubong Cagayan de Oro City.

Napansin ng biktimang tinukoy sa alyas Goc-Ong na sinisiksik siya ng suspek habang sakay ng multicab at ilang saglit pa matapos nagmamadaling tumalilis ay nakita naman ng anak nitong babae na bukas na ang kaniyang sling bag.

Dito na nagsisigaw ang biktima matapos  tangayin ng suspek ang kaniyang wallet na naglalaman ng P 11,000 sa kahabaan ng North Montilla Boulevard sa nasabing lungsod.

Agad namang hinabol ng taumbayan ang nasabing mandurukot at nang abutan ay pinagtulungang gulpihin na napilitan namang isauli ang dinukot na pitaka na naglalaman ng nasabing halaga.

Show comments