CEBU CITY , Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 16-anyos na lalaking snatcher makaraang masakote ng pulisya kaugnay sa P.1 milyong cash na inakaw nito sa babaeng negosÂyante sa labas ng mall sa Osmeña Blvd., Barangay Sto. Niño, Cebu City, Cebu kamakalawa.
Dahil sa pagiging menor-de-edad ay itinago ang pagkakakilanlan ng suspek na sinasabing nanutok ng patalim sa biktimang si Felicitas Roble, 57.
Sa pagsisiyasat, naganap ang krimen bandang alas-10 ng umaga habang si Roble ng Barangay Basak-Pardo, ay nakatayo sa labas ng mall sa Osmeña Boulevard.
Si Roble ay nagnenegosÂyo ng purchase order (PO) card sa mga kakilalang kaibigan sa nasabing lungsod.
Ayon kay SPO3 Romeo Abellana, chief investigator sa Waterfront Police Station, timyempuhan ng suspek ang biktima na isinisilid ang maliit na plastic pack na naglalaman ng malaking halaga sa shoulder bag.
Gayon pa man, nakipag-agawan ang biktima hanggang sa malaglag sa kalsada ang dalawang bundle ng pera subalit mabilis na dinampot ng suspek.
Tinangkang agawing muli ng biktima subalit tinutukan na siya ng suspek gamit ang patalim kung saan pinagbantaang papatayin kapag pumalag.
Natiyempuhan naman madakma ang suspek ni PO1 Lolito Amogis at kasamang si Policarpio Barliso Jr. matapos mapansin ang komosyon ng biktima.
Narekober ang 60 piraso ng P1,000 at 18 piraso ng P500 habang nasamsam naman ang patalim na ginamit ng suspek.
Sinasabing inutusan lamang ang suspek ng apat na kalalakihan para nakawan si Roble kapalit ng P500 na ipambibili niya ng mga prutas para kanyang paninda.