Cavite, Philippines- -- Aabot sa 53 kilo na pulbura at kemikal sa paggawa ng iligal na paputok ang nasamsam sa bahay ng tatlong naarestong suspek sa Imus City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Imus City police chief Supt. Redrico Maranan, dakong alas-8:00 ng gabi nang lusubin nila ang bahay ng mga suspek na si Percival Topacio at magkamag-anak na sina Elmer at Conrado Saliva sa Brgy. Malagasang 1B.
 Bukod sa mga nasamsam na kemikal at pulbura, narekober din ang nasa 150 piraso ng iba’t ibang klase ng paputok na handa nang ibenta. Bukod pa sa libo pang piraso ang hindi pa natatapos.
Kabilang sa mga ito ang mga ipinagbabawal na Piccolo, plapla at time bomb. Sinabi ni Maranan na walang permit ang mga suspek sa pagbebenta ng mga paputok lalo na sa paggawa ng mga ito. Nakatakda ng sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.