Batangas, Philippines – Pitong katao ang nasawi at walo naman ang nasugatan sa naganap na magkasunod na aksidente sa iisang lugar sa highway ng bayan ng Nasugbu , Batangas noong Biyernes.
Ayon kay Police Officer 2 Ramon Sale, imbestigador sa kaso, unang nasawi ang tatlong kalalakihang sakay ng isang 16-wheeler truck (RNB-881) nang mawalan ito ng kontrol sa pababa at pakurbadang highway ng Sitio Bayabasan, Brgy. Aga bandang alas-2:50 ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot sina Rowel Santos, 30, truck driver at ang kanyang dalawang pahinante na sina Alvino Gulila at LJ Gulila, kapwa residente ng Porac, Pampanga.
Sa isinagawang imbestigasyon, puno ng buhangin ang dump truck patungong Calaca galing sa Porac, Pampanga nang mawalan ng kontrol sa manibela si Santos hanggang bumangga ito sa poste ng kuryente.
Samantala, sa nasabi ring araw at lokasyon, pababa naman ang isang 18-wheeler ng Nasugbu galing Tagaytay City nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at araruhin naman ang anim na sasakyan bandang alas-3:30 ng hapon
Kinilala ang mga nasawi na sina Christopher Delaun, truck driver, Charlie Fermin, truck helper, Celedonio Kasilig ng Balayan, BaÂtangas at isang truck helper na hindi pa rin nakikilala.
Ayon sa pulisya, may sakay umanong 20-toneladang bigat na bakal na ginagamit na pabigat sa crane nang dumausdos ito sa likod ng truck at dumagan sa tatlong biktima na nasa cab ng truck.
Bunga nito, inararo naman ng naturang truck ang mga sasakyang Toyota Hi-Ace Grandia (VFH-386), Ford Expedition (UGQ-772), Ford Ranger (POI-518), isang dump truck (REP-528), isang close van at isang tricycle.
Isinugod naman ang walong kataong nasugatan sa Apacible Memorial Hospital, Western Batangas Hospital at ilan pang pagamutan sa Metro Manila.