Bulacan, Philippines - — Umiskor ang mga awtoridad kasunod ng pagkakaaresto sa isang pinaghihinalaang notoryus na Chinese drug trafficker na nasamsaman ng P100-M halaga ng mga kemikal at shabu sa raid sa isang shabu laboratory sa Brgy. Sta Rita, Guiguinto, Bulacan kahapon ng tanghali.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III, kinilala ang nasakoteng suspek na si Liu Zhihua alyas Peter Tan Lee, 39-anyos, isa ring drug chemist sa nasabing pabrika ng shabu na pansamantalang naninirahan sa inuupahan nitong bahay sa #35 Catleya Street, Sta Rita Village sa naturang bayan.
Bandang alas-12:15 ng tanghali nang makipag-deal sa suspek ang isang poseur buyer na ahente ng PDEA na nagkunwaring bibili ng halagang P10,000 shabu sa suspek sa harap ng sinalakay na laboratoryo ng droga.
Habang iniaabot ang marked money ay nakaÂtunog ang suspek matapos na makitang papalapit na sa kaniya ang mga operatiba kaya nagtatakbo ito papasok sa nasabing bahay.
Agad na hinabol ng mga awtoridad ang suspek at dito na nadiskubre ang laboraÂtoryo ng shabu.
Bago ang operasyon, nagreklamo ang mga residente sa lugar sa masangsang na amoy ng kemikal na nagmumula sa inuupahang bahay ng suspek kaya agad na nagmanman ang mga tauhan ni Supt Rodolfo Hernandez ng Guiguinto Police saka itinimbre sa PDEA ang impormasyon.
Narekober sa loob ng laboratoryo ng shabu ang mga kemikal na gamit sa paggawa ng droga tulad ng ephedrine, hydrochloric acid, acetone, ethanol, mga apparatus at bulto ng shabu na tinatayang aabot sa P100-M ang halaga.