MANILA, Philippines - Dinukot ng tinatayang walo hanggang sampung armadong kalalakihan ang isang guro sa pampublikong paaralan sa Sitio Paraitan, Brgy. Limaong, sa lungsod ng Zamboanga, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Col. Andrelino Colina, Commander ng Task Force Zamboanga, kinilala ang kinidnap na biktima na si Cathy May Casipog, 23, guro sa Sibogtok Elementary School sa Limaong Island.
Bandang alas-3 ng hapon nang dukutin ng mga armadong kidnapper si Casipog na tinutukan ng baril saka kinaladkad pasakay sa isa sa dalawang pumpboat na tumahak sa direksyon ng Eleven Islands.
Ang mga kidnapper ay lulan ng dalawang pumpboat na may tatak na ‘Sangali’ na may pinturang puti at dilaw.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay kasama ng mga kapwa nito guro na sina Michel Falcasantos, 28 at Mencie Vegilia, 24, ay sumakay sa pump boat ni Akram Lauki, 19, at pagsapit sa Sitio Paraitan ay hinarang ng mga armadong suspek at saka tinangay ang biktima.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa mga opisyal ay patuloy ang masusing imbestigasyon upang mabatid kung anong grupo ang responsable sa pagbihag sa biktima.
Sa tala ang mga bandidong Abu Sayyaf Group ay kilalang notoryus sa kidnapping for ransom sa Western Mindanao pero maliban sa mga ito ay may iba pang grupo ng mga kidnapper na nago-operate sa lugar.