NORTH COTABATO , Philippines — Napaslang ang 31-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa naganap na holdapan sa pampublikong palengke sa bayan ng Pikit, North Cotabato kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Chief Insp. Joefrey Todeño, hepe ng Pikit PNP ang biktima na si Limbas Maguindiga ng Sitio Lamak, Barangay Poblacion. Sa police report, magsasara na ng tindahan ang biktima sa pamilihang bayan nang lapitan ng dalawang di-kilalang lalaki kung saan hinablot ang bag nito na naglalaman ng koleksyon na aabot sa P10,000 at dalawang cell phones. Gayon pa man, nanlaban si Maguindiga kaya napilitang barilin ng isa saka tumakas sakay ng motorsiklo. Nagtamo ng tatlong tama ng bala ng cal. 45 pistol ang negosyante sa dibdib kung saan idineklarang patay sa Cruzado Hospital.