MANILA, Philippines - Sabog ang bungo ng isang negosyanteng Aleman habang sugatan naman ang kasama nitong babae matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakilalang riding in tandem na mga armadong salarin sa Tagbilaran City, Bohol nitong Biyernes ng gabi.
Dead-on-the-spot sa tinamong dalawang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Benjamin Manuel Anggienstiener, 29 anyos, may ilang buwan na sa Tagbilaran City pero isang turista ang status nito. Isinugod naman sa pagamutan ang sugatang biktima na si Cherry Bin Urdaneta, nagtamo ng sugat sa kaliwang tuhod.
Sa phone interview, sinabi ni Supt Romeo Perigo, hepe ng Tagbilaran City Police naganap ang insidente sa hangganan ng tulay sa Brgy. Dawis at Causeway, Poblacion 1 papasok ng lungsod dakong alas-6:15 ng gabi habang pauwi na ang biktima lulan ng motorsiklo.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Perido na dalawang motorcycle riding in tandem ang bigla na lamang sumulpot sa lugar at hinarang ang dayuhan saka pinagbabaril gamit ang hindi natukoy na kalibre ng baril.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Perigo, dalawang anggulo ang sinisilip nila sa motibo ng krimen, una ay alitan sa negosÂyo at ikalawa ay ang kasong estafa ng nasabing dayuhan.